![]() |
Image from: http://itsmorefuninthephilippines.com/ |
It’s more fun in the Philippines.
Really? Weh?! Hindi nga? Tama, narinig mo na ang mga linyang yan hindi ba? Opo, yan po ang pamosong entrada ng Department of Tourism ng Pinas upang lalong maka-enganyo ng mga dayuhang turista sa bansa kasabay ng pagbida ng mga tourist spots ng bansa. Visit http://itsmorefuninthephilippines.com/ for more details. Ayan ah, may free promotion pa kayo sa akin.
Bilang isang lokal na mamamayan ng bansa, hindi natin maitatanggi na magdalawang-isip muna ukol sa nasabing “Tagline” ng DOT bago natin ito sang-ayunan. Bakit? Ikaw, naranasan mo na ba ang mga bagyo sa Pinas? Ang bahang epekto nito? Ang traffic sa Metro Manila? Dagdag mo pa dyan ang lindol, mataas na presyo ng bilihin, langis, gasolina, kuryente, at bigas. It’s more fun in the Philippines ba dahil sa 12% VAT at kaliwa’t kanang buwis na napupunta lang din naman sa mga tiwaling opisyal ng bansa? Uy, sabi nila hindi naman daw lahat. Talaga lang ha? Sabihin natin na hindi nga mapupunta sa kanila, ibinabalik ba nila ito ng tama sa mga mamamayan ng bansa? Ilang proyekto na ba ang naipatupad na nagsasabing mawawala na baha sa Metro Manila? Nawala ba ang baha? Hindi! Ilang proyekto na ba ang pinasinayaan na sinasabing mag-aayos ng trapiko sa bansa? Marami na hindi ba? U-turn, footbridge, motorcyle lane, truck ban, more to come. Pero may nangyari ba? Sasabihin mo sa akin, at least meron naman ginawa. Hindi ko kailangan yung may ginawa, ang kailangan ko ay yung may tamang ginagawa. Kapag sinabi kong tama, ito yung programang pinag-isipan, pinagplanuhan, siguradong epektibo, walang lusot, walang paltos.
It’s more fun in the Philippines dahil nabawasan na daw ang mahirap sa bansa at yan ay ayon sa SONA ng Pungulo kamakailan lamang. Siguro nga nabawasan, dahil sa tingin ko, yung mga mahirap na yun, namatay na ngayon sa gutom. So bawas na talaga.
It’s more fun in the Philippines nga ba kung kaliwa’t kanan ang krimen? Dumami ang mandurukot, magnanakaw, holdaper, kidnapper, Riding-in-tandem criminals, salisi gang, Budolbudol gang, rapist, exhibisionist, bukas-kotse gang, laslas panty gang, sungkit panty gang, gupit panty gang at mga tigang.
It’s more fun in the Philippines nga ba kung madami pa din ang walang trabaho, madami pa din ang pulubi ba lansangan, tambay, lasenggero, tsismosa, siga, bully, babaero, lalakero, barbero at pakialamero.
Sa kabila ng mga binanggit ko, alam kong mahal nyo ang Pinas at naniniwala pa din kayo na it’s more fun in the Philippines. Sa katunayan, ang mga binanggit ko ay patunay lamang na It’s more fun in the Philippines talaga. Hindi mo yan mararanasan lahat sa ibang bansa, onli in da Pilipins lang yan. It’s more fun in the Philippines dahil sa hindi matatawarang karanasan. Experience ang pinag-uusapan natin dito. Mga karanasang naglalarawan ng kulturang Pinoy, karanasang patuloy sa pagbabago, pag-unlad at pagkatuto.
Sasabihin ko sa’yo, mas pang masarap mamatay sa kalamidad sa sariling bayan kumpara sa kamatayan dulot ng digmaan ng mga nag-iiringan bansa.
Gusto mo bang tumbay sa Gaza o sa Tacloban na lang?
See?
It’s more fun in the Philippines!
