Nagmamadali kang sumakay ng jeep. Nakipagsiksikan. Kulang na lang eh sumabit ka sa sasakyan dahil wala ng espasyo para sa malaki mong balakang. 7:50am na kasi at sigurado late ka na naman sa klase mong pang alas-otso. Iwinasiwas mo ang iyong basang buhok na hindi pa natutuyo dahil sa pagmamadali. Tumama iyon sa mukha ni ate. Sumimangot. “Sorry ate.” sabi mo. Pero ang totoo nyan hindi ka naman nag-aalala kung magagalit sya o hindi dahil mas inaalala mo kung makaka-abot ka pa sa first subject mo.
Exam day ngayon. Ngayon nakatakda ang kinabukasan mong pagpasa sa subject na iyon at kung hindi uulitin mo ito ng bonggang-bongga.
Gumamit ka ng taijutsu, ninjutsu, sharinggan, athletic skills, kulam at walis tingting para umabot.
7:59am. Buzzer beater, nakarating ka din sa pintuan ng classroom mo.
Nagsisimula na ang exam. Lumapit ka sa teacher mong kapatid ni Osama Bin Laden. Walang sabi-sabi, inabot nya ang test paper mo at iminuwestra ng nguso nya kung saan ka uupo.
Dumiretso ka sa upuan ngunit nag-aalala ka pa din. Hindi ka kasi nakapag-review dahil napuyat ka sa paglalaro ng ibon na mas malaki pa ang nguso kaysa pakpak.
“Flap flap flap…bagsak.” Yan ang umaalingawngaw sa kukote mo ngayon. Sinipat mo ang mga tanong sa test paper. Aba-aba lahat iyon hindi mo alam.
5 minutes… 10 minutes… 15minutes…
Tagaktak na ang iyong pawis. Tuyo na din ang iyong buhok at magulo na din ito ulit parang kang bagong gising. 30 minutos na ang nakalipas, wala ka pa ding sagot.
Kung mamalasin ka nga naman, binago ng mautak mong guro na kapatid ni Osama Bin Laden ang cheating arrangement. Iba-iba na ang nararamdaman mo ngayon. Hindi mo alam kung natatae ka ba o kinukumbulsyon ka na.
Halos lahat ay tahimik. Maliban sa iyo na balisa at nag-aalala.
Pero hindi ka sumuko. May katabi kang gwapong henyo. Iginalaw mo ng kaunti ang iyong upuan at pinaiksi ang palda sabay kindat sa kanya at nguso sa test paper. Ngumiti lang si pogi at nagpaubaya. Yun nga lang, nahuli ang isa pa nyang katabi na nangongopya kaya inilipat sya. Ipinalit sa upuan nya ang kapatid ni Chocoleit na hindi naman henyo pero magaling tsumamba.
“Honey, may answers ka na ba? Ako meron. Gusto mo? Isang date lang”
Naisip mong ilang oras na lang ang nalalabi… kaya kahit labag sa kalooban mo, pumayag ka na din.
Ika nga nila, “It’s better to cheat than to repeat”
Larga na. Kopya dito, kopya doon. Paspas.
At sa wakas natapos mo din ang pangongopya. At bago matapos ang oras, tumindig ka at buong yabang at kampante na ipasa ang iyong test paper. Pero bago ka pa makarating sa harapan, tumindig din ang kapatid ni Osama Bin Laden.
“Ok class, it’s almost 11:00am na. Bukas na lang nyo yan ipasa. No Xerox copy, No erasure. Remember 80% yan ng test na yan sa grade nyo kya i-perfect nyo na!”
Hindi ka nakakibo sa iyong narinig. At tuluyan kang nawalan ng ulirat.
